Çilapulapu ni Pigafetta
Nang isulat ni Antonio Pigafetta, tagatala ni Fernando Magallanes, ang pangalan ng pinuno ng ating mga ninunong lumaban sa Labanan sa Mactan, sinulat niya ito bilang Çilapulapu. Ito rin ang baybay sa pangalan ni Lapulapu ng maraming lumang aklat patungkol sa paglalayag nina Magallanes-Elcano, at maging sa biyograpiya ni Magallanes na sinulat ng Aleman na si Stefan Zweig na Magellan—Der Mann und seine Tat noong 1938.
Si Lapulapu ni Rizal
Sa pananaliksik ng iskolar na si Vicente Calibo de Jesus, si Carlo Amoreti, dating tagapangasiwa ng Venerada Biblioteca Ambrosiana sa Milan, Italya, ang unang nagteorya na ang “Çi” sa unahan ng pangalan ni Lapulapu ay isang pamagat na pamitagan sa isang lalaking maginoo o naghaharing uri noong unang panahon.
Samantala, ayon sa pananaliksik pa ng repormistang si Trinidad H. Pardo de Tavera, nagmula ang “Çi” sa salitang Sanskrit na “Sri” na ang ibig sabihin ay ‘ginoo.’ Isinakatutubo ang naturang pamagat bilang “Si” na tinaglay din ng iba pang makasaysaysang personalidad, tulad ni Raha Siaiu, Sicatuna ng Bohol, Si Ache na mas kilala bilang si Raha Matanda ng Maynila, at Si Banau o si Lakan Dula ng Tondo. Bakas ito ng impluwensiya ng India sa lipunan ng ating mga ninuno.
Sa kaniyang anotasyon noong 1890 sa akda ni Antonio de Morgan a Sucesos de las Islas Filipinas, ipinakilala ng repormistang si Jose Rizal ang pangalang “Si Lapulapu.” Iyon nga lamang, hindi ipinaliwanag ni Rizal ang konteksto ng naturang pangalan.
Sa kaniyang liham kay Rizal noong 8 Nobyembre 1890, ginamit ni Juan Luna, isa ring repormista, ang pangalang “Si Lapulapu.” Sa liham na iyon, balak maghandog ni Luna kay Rizal ng isang burador ng kaniyang pinta tungkol sa “kamatayan ni Magallanes” na ayon sa kaniya ay “isang napakahalagang bahagi ng ating kasaysayan.” “Kung pamamagatan ko itong ‘La Muerte de Magallanes’ [Kamatayan ni Magallanes] magiging pagdakila ito sa naturang dakilang tao,” ayon kay Luna. Dagdag pa niya, “gusto kong [pamagatan itong] ‘Victoria de Si Lapulapu y huida de los españoles” [Tagumpay ni Si Lapulapu at ang Pag-atras ng mga Espanyol’],” kundi lang sana “ito babatikusin ng bawat buwang nating kapanalig at ang pintor at abang mamamayan ay itulak na lang sa pader.”
Kalipulako ni Oviedo
Ngunit sa ibang kapanahunan nina Rizal at Luna, iba ang tawag nila kay Lapulapu—Kalipulako. Ayon kay de Jesus, ang maagang pagkakagamit ng Kalipulako ay makikita sa obra ni Gonzalo Fernandez de Oviedo y Valdez na Historia de las Indias noong 1557, 36 na taon makalipas ang Labanan sa Mactan. Isa sa nakapanayam ni Oviedo ay si Juan Sebastian Elcano, ang sumunod sa yapak ni Magallanes sa paglalayag. Dahil hindi naman pangunahing batis si Oviedo ay nakitaan siya ng ilang kamalian sa teksto, tulad ng pook ng misa ng Pasko ng Pagkabuhay na inilagay sa Cebu sa halip na sa Mazaua. Noong 1604, isinulat naman ni Padre Prudencio de Sandoval sa Historia de la vida y hechos del Emperador Carlos V ang pangalan bilang Calipulapo.
Sa kaniyang pananaliksik, natisod ni Copper Sturgeon ang pangalang Cali Pulaco sa isang tula noong 1614 ng mestisong Tsino na si Carlos Calao para kay Magallanes. Pinamagatan itong “Que Dios le perdone” (Patawarin Nawa ng Diyos) at dito tinawag ang pinuno ng Mactan na traydor.
Ayon kay de Jesus, mula sa Calipulaco naimbento ang mga pangalang Qari Pulako at Kaliph Pulaka na pawang pag-aanyong Muslim upang palitawing bayaning Muslim si Lapulapu. Malinaw sa tala ni Pigafetta na hindi Islamisado ang Mactan noong 1521.
Samantala, isa ang repormista ring si Mariano Ponce sa nagpakilala sa pangalang Kalipulako bilang sagisag panulat nito sa pahayagan ng Kilusang Reporma na La Solidaridad. Lumitaw din ang Kalipulako bilang pangalan ni Lapulapu sa akda ni Emilio Jacinto na “¡¡Gising na, mga tagalog!!” noong 23 Oktubre 1895. Nakapaloob dito ang pag-udyok ni Jacinto sa mga kababayan na dakila at matapang sila: “¿saan napatungu ang dugu ni Kalipulako, ang masiglang hari sa Maktan, niyaong pinatay niya ang lilong si Magallanes? …¿Diyata mga kapatid? …¿diyata’t sa inyong buhay wala nang makikita, kung di hirap, dalita, sakit, lumbay, dusa’t kaamisan?…”
Maging sa pagpapahayag mismo ng ating kalayaan noong 12 Hunyo 1898 sa Kawit, Cavite, inalala ng ating mga bayani “ang pagsalakay na sinimulan ni Hernando Magallanes (Magellan) sa Sebu… bago siya mapatay ng hukbo ng Haring Kalipulako sa Maktan sa labanang naganap sa baybayin ng Sebu.”
Lapulapu sa 2021
Sa comprehensive plan na ipinasa nila kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong Enero 2019, iminungkahi ng National Quincentennial Committee (NQC) ang paggamit sa pangalang “Lapulapu,” sa pagsang-ayon na rin ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP). Katunayan nito’y noong 1951, Lapulapu ang baybay ng pangalan ng pinuno ng Mactan sa panandang pangkasaysayan na inilagay ng Philippine Historical Committee (pinagmulan ng NHCP). Minarapat na iistandard ng NQC at ng NHCP ang pangalan ni Lapulapu dahil na rin sa panukalang palitan ang pangalan ng Mactan-Cebu International Airport bilang Lapulapu International Airport o di kaya’y Lapulapu-Cebu International Airport.
Mga Batis:
Bautista, Ambrosio Rianzares. 1898. Declaration of Philippine independence, in Sulpicio Guevara, ed. The Laws of the First Philippine Republic (The Laws of Malolos) 1898-1899. Maynila: Pambansang Suriang Pangkasaysayan, 1972.
de Jesús, Vicente Calibo. Was Mactan’s lord Cilapulapu? Lapu-Lapu? Kalipulako? Qari Pulako? Lupalupa? https://facebook.com/notes/vicente-calibo-de-jesús/was-mactans-lord-cilapulapu-lapu-lapu-kalipulako-qari-pulako-lupalupa/168970059812/?_rdc=1&_rdr.
De Oviedo y Valdez, Gonzalo Fernandez. 1557. Historia de las Indias. Valladolid.
de Sandoval, Prudencio. 1604. Historia de la vida y hechos del Emperador Carlos V. Valladolid.
Jacinto, Emilio. 1895. ¡¡ Gising na, mga tagalog!!, October 23. Archivo General Militar de Madrid: Caja 5677, leg.1.83.
Rizal, Jose (ed). 1890. Events in the Philippine Islands. Manila: National Historical Commission of the Philippines, 2011.