Pagsubok sa mga Dayo
Posted on 29 March 2021
By Van Ybiernas
Hindi basta tinanggap ng ating mga ninuno ang pagdating ng paglalayag nina Magallanes-Elcano. Sa pamamagitan ng ritwal na kung tawagin ay sandugo, sinubukan ng ating mga ninuno ang kadalisayan ng pakikipagkaibigan ng mga dayong ito. Casi casi ang itinalang tawag dito ni Antonio Pigafetta, tagatala ni Fernando Magallanes, nang makipagtagpo si Magallanes sa Raha ng Limasawa noong 28 Marso 1521. Bilang bahagi ng pakikipagkaibigan, iniabot ng Raha ng Limasawa ang mga panustos na kailangan ng tripulante ni Magallanes, kapalit naman ng habi at sombrerong Turko mula kay Magallanes.
Panustos din ang kailangan paglalayag ni Alvaro de Saavedra, na sumunod kina Magallanes, noong 1528 sa Mindanao. Upang makakuha ng panustos, kinailangang dumaan ni Saavedra sa isang sandugo ksama ang isang pinuno sa Mindanao. Dahil kapwa di nagtiwala sa isa’t isa, walang naganap na sanduguan. Nangyari lamang ang isang sandugo nang dumating si Miguel Lopez de Legazpi sa Visayas noong 1565, at nakipagsandugo siya kay Raha Sikatuna sa Bohol, habang ang mga tauhan naman niya ay sumailalim sa katulad ding ritwal kay Raha Soliman sa Maynila noong 1570. Pacto de sangre ang tinawag dito ng mga Espanyol, na inspirasyon naman ng isang pinta ni Maestro Juan Luna, ang El Pacto de Sangre noong 1886. Bilang paggunita sa katutubong diplomasya ng ating mga ninuno, ang naturang pintang larawan ay siyang bubungad sa sinumang pinuno ng ibang bansa sa pagpanaog nito sa Palasyo ng Malacañang, ang luklukan ng Pangulo ng Pilipinas.
Sagradong ritwal sa ating mga ninuno ang sandugo. Sa naturang ritwal, ang magkabilang panig ay kapwa magpapatulo ng dugo sa iisang sisidlan sa pamamagitan ng paghiwa sa kanilang mga bisig o dibdib. Hahaluan ang dugo ng alak at kapwa iinumin ng mga pinuno o kinatawan ng kapwa panig. Dahil dito, simbolikal na magiging bahagi ng katawan ang dugo ng isa, kaya’t ituturing nila ang isa’t isa bilang magkapatid.
Ayon sa “Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog” ni Andres Bonifacio, ang sandugo ay “talagang kaugalian” ng ating mga ninuno. “Ipinailalim” dito ang mga Espanyol, “tanda ng tunay at lubos na pagtatapat na di magtataksil sa pinagkayarian.” Sa kasamaang palad, nilabag ng mga Espanyol ang sagradong sandugo sapagkat sa halip na kapatid ang ituring sa ating mga ninuno, inalipin ang mga ito. Kung kaya’t ang sagot nina Bonifacio ay paghihimagsik.
Sa katunayan, noong 1570, itinaboy mismo ni Raha Soliman paalis ng Maynila ang mga Espanyol nang labagin ng mga ito ang sandugo. Dangal at tiwala ang nakasalalay sa sandugo.
Sang-ayon naman sa Boxer Codex ng ika-16 na siglo, “malalim at habambuhay ang bisa” ng sandugo. Ito’y dahil may mga ugnayang pangkalakalan at lakas militar na kapwa pinakikinabangan ng lahat ng partido kaya’t hindi nila sinisira ang ugnayang ito nang dahil lamang sa panloloko o pandaraya.
Gayundin, ang pagbibigkis ng mga barangay (pamayanan) bilang isang mas malaki o ugnayan ng mga pamayanan (e.g., banwa sa Kabisayaan, bayan sa Tagalog, ili sa Cordillera) ay maiuugnay din sa sandugo. Kadalasang iisang angkan ang nag-ugnay-ugnay sa mga datu (pinuno ng barangay), at kahit na magkapatid ay may posibilidad na maghidwaan. Upang maiwasan ito, nariyan ang sanduguan ng mga datu. Ayon sa historyador na si Vicente Villan, mas malalim ang kahulugan ng sandugo sa Kabisayaan sapagkat tinatawag nila itong pag-aanghod, mula sa salitang manghod na ang ibig sabihin ay nakababatang kapatid. Samakatuwid, ang iyong kasandugo ay aalagaan mo nang tulad nang iyong nakababatang kapatid.
Mga karagdagang babasahin:
Bonifacio, Andres. 1896. Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog. Nasa Panitikan ng Rebolusyon(g 1896); Isang Paglingon at Katipunan ng mga Akda nina Bonifacio at Jacinto, may-akda Virgilio Almario, 152-155. Quezon City: University of the Philippines Press, 1997.
Ferrer Amelia S. 2013. “Sanduguan bilang konsepto ng Pakikipagkapwa sa konteksto ng kalakalan at kapangyarihan: Ang Bohol sa ika-16 na dantaon.” Diwa E-journal 1:1, 37-57.
Loarca, Miguel de. 1979. “Relation of the Philippine Islands” in Mauro Garcia (ed), Readings in Philippine Prehistory, Volume 1. Manila: Filipiniana Book Guild, Inc.
Scott, William Henry. 1994. Barangay: Sixteenth-Century Philippine Culture and Society. Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University Press.
Zaide, Gregorio F. 1990. Documentary Sources of Philippine History, Volume 1. Manila: National Bookstores Inc.
Si Van Ybiernas ay isang pampublikong historyador at historyador pang-ekonomiya.