100-Day Countdown at the Sentinel of Freedom, Rizal Park, Manila
Posted on 24 January 2021
By Rene R. Escalante, Ph.D.
The message read during the 100-day countdown to the D-Day of the 2021 Quincentennial Commemorations in the Philippines, on 17 January 2021, Sentinel of Freedom, Rizal Park, Manila.
Una sa lahat, nais kong magpasalamat sa National Parks Development Committee sa walang sawang pagpapadama sa mga Pilipino na may puwang sa isang pambansang parke ang pagdiriwang ng bansa, lalo na kay Lapulapu. Sa aming sister agency, National Museum of the Philippines, sa laging pag-antabay sa amin.
Humihingi po ako ng paumanhin sa ating mga kababayan dahil sarado sa publiko ang lahat ng mga gawain para sa kwinsentenyal. Pagtugon na rin ito sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte at ng mga kinauukulan na iwasan ang mga pagtitipon. Gayunpaman, nag-utos ang Tagapangulo ng National Quincentennial Committee, Executive Secretary Salvador C. Medialdea, na gamitin ang media asset ng pamahalaan upang mailapit sa mga Pilipino ang mga gawaing kwinsentyal. Dahil dito, lubos akong nagpapasalamat kay Secretary Martin Andanar ng Presidential Communication Operations Office at sa kinatawan nito sa NQC na si Director-General Ramon Cualoping III ng Philippine Information Agency sa pagiging katuwang ng NQC sa pag-eere ng mga gawaing kwinsentenyal sa social media at iba pang platform. Akin din pong kukunin ang pagkakataong ito na mapasalamatan ang PLDT Smart Communications sa makabayang desisyon na suportahan ang mga gawaing kwinsentenyal. Malaking bagay ang pagtugon ni G. Manny V. Pangilinan sa aming pakiusap na bigyan ng maayos na signal sa Guiuan, Eastern Samar sa Marso. Nakakataba ng puso sapagkat hindi lamang Guiuan ang kanilang sinalo—hiningi nila sa amin ang listahan ng kulang-kulang sandaang mga gawaing nakasalang sa kalendaryo ng pagdiriwang at nangako silang tutulong sa abot ng kanilang makakaya. Sila rin po ang katulong natin kanina sa paghahatid sa atin ng pagdiriwang para 100-day countdown sa Liberty Shrine sa Mactan, Lungsod ng Lapu-Lapu. Muli, maraming salamat, PLDT Smart at G. Pangilinan.
Yaman din lamang pinag-uusapan ang komunikasyon, mahalaga na verified ang mga inilalabas nating mga kaalaman sa publiko para sa paparating na ikalimanaang anibersaryo ng Tagumpay sa Mactan, ng unang pag-ikot sa mundo, at iba pang pangyayari sa taong ito. Kaya’t aking pinasasalamatan ang aking mga kasamahan sa National Historical Commission of the Philippines sa pagpapayaman sa kaalaman ng publiko araw-araw sa social media. Asahan po ninyong mas lalo pang yayaman ang ilalaman ng aming website na www.nqc.gov.ph, ng lecture portal na portal.nqc.gov.ph, YouTube Channel, Spotify Playlist, at Facebook page naming @nqc2021. I-download po ninyong lahat nang mapakikinabangan ninyo sa mga asset na ito ng NQC, lalo na ang mga educational video, info graphics, paper crafts, mp3, at iba pa. Lahat nang ito ay libre at magiging inyo in hi-res, high definition, at high quality. Amin lamang pong ipinakikiusap na ipamalita pa ang mga bagay na ito sa inyong mga kakilala, kaanak, at mahal sa buhay. Ang pag-aaral ng kasaysayan ay hindi lamang nakakulong sa apat na sulok ng silid-aralan; ito’y gampaning makabayan at maka-Pilipino.
Ang 100-day countdown ay isa lamang sa maraming gawain ngayong taon. Ang binibilang po natin ay ang petsa patungo sa April 27, 2021 o ang ikalimandaang taon ng Tagumpay sa Mactan. Napakalimitado ng ating resources. Gaano man kagaganda ng ating mga panukalang proyekto para sa 2021, minarapat po nating isantabi pansamantala ang marami sa mga ito upang makatulong sa pambansang pamahalaan sa programa nitong mapanumbalik ang normal na buhay sa ating mahal na bayan. At sa pag-aambagan ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan at pribadong samahan at institusyon, lilikha tayo ng iba’t ibang gawain. Una na riyan ang pinagtutulong-tulungan ngayong pagdiriwang sa Mactan sa April 27 kung saan magbibigay pugay ang bayan sa alaala ni Lapulapu at ng mga mandirima ng Mactan sa umaga. Sa gabi naman, sisikapin nating matapos ang Metropolitan Theater o MET upang magsagawa ng mga palabas na magtatampok ng simple ngunit makabuluhang palabas sa unang pagkakataon mula nang isara ito sa publiko noong dekada 90. Salamat po sa NHCP at National Commission for Culture and the Arts na silang nagre-restore sa National Historical Landmark at National Cultural Treasure na ito. At dahil kasagsagan pa rin ng pandemya, hindi po ito bukas sa publiko, bagkus ay iko-cover ito sa social media at telebisyon.
Para sa pribadong sektor na ating katuwang sa gabing ito, ang A Liter of Light ni G. Illac Diaz, maraming salamat sa pagpili sa NQC na maging recipient at collaborator. Napakalaki ng kanilang hangarin: ang maitampok ang pagbabagong magagawa ng Pilipino sa pagprotekta sa ating nag-iisang planeta. Ang kanilang solar light na ipinamamahagi sa mga pook, pamayanan, at pamilyang higit na nagangailangan ng liwanag na renewable, sa loob at labas ng bansa, ay napakadakila. Patotoo ang A Liter of Light na kulturang mapagtagumpay ng mga Pilipino at ang kabutihang loob sa kapwa. Hindi ba’t ito ang katangiang naitala limandaang taon na ang nakalilipas sa Homonhon, Guiuan, Eastern Samar? Nang tulungan ng ating mga ninuno doon ang di nila kilalang mga banyaga: mga gutom, walang sustansiya sa katawan, may sakit, at dehydrated ng apat na buwan sa Pasipiko. At itong mga banyagang ito ay naghandog sa sangkatauhan at sa Siyensiya ng tagumpay na maikot ang planeta sa unang pagkakataon. Humanity, iyan ang isa sa tema ng kwinsentenyal. Gayundin, hindi ba’t ang pagiging bayani ay kaakibat ng tapang, husay at pagtatanggol sa kapwa, bayan, at mahahalaga sa’yo? Itong-ito ang esensya ng Labanan sa Mactan, limandaang taon na ang nakalilipas. Ika nga naming mga nasa larangan ng Kasaysayan, mabuti tayong kaibigan ngunit huwag magkakamaling manghimasok. Kung bakit buong Pilipinas ang nagdiriwang kay Lapulapu at sa Labanan sa Mactan? Ito’y dahil mismong mga bayani natin at mga nagtatag ng bansang Pilipinas noong ikalabinsiyam na siglo ang nagtaas kay Lapulapu at sa Labanan sa Mactan bilang pamana at pinagsasaluhang alaala ng mga Pilipino. Tanglaw si Lapulapu at ang Mactan na may mapagtagumpay tayong dugo at katangian. Ito ang Victory sa ating tema.
Sampu ng NQC, tanggapin po ninyo ang aking pagbating maligayang kwinsentenyal.
Rene R. Escalante, Ph.D. is the Chairperson of the National Historical Commission of the Philippines and the concurrent Vice-Chairperson and Executive Director of the National Quincentennial Committee.